Sa pagpasok pa lamang ng linggong ito ay nagsimula nang tumungo sa mga sementeryo ang publiko para bisitahin ang puntod ng mga namayapang mahal sa buhay.
Kaya naman maaga ring umalerto ang pulisya. Ipinatupad ang istriktong seguridad sa mga kampo santo at bisinidad. Isa sa unang inilarga ay ang mahigpit na inspeksyon sa mga gate.
Wala ring tigil sa pagpapaalala – hindi lang sa tri-media – kundi maging sa social media hinggil sa mga dapat at hindi dapat gawin sa sementeryo.
Bawal ang pagdadala ng mga matutulis na bagay, deadly weapon, mga flammable na bagay, alak, radyo at sound system dahil bawal ang pagpapatugtog ng malakas.
Bawal ding magkalat o mag-iwan ng basura sa sementeryo. Sinisiguro ng pulisya na aarestuhin ang sinumang mahuhuling nagkakalat. Maging ang pagsusunog ng basura ay mahigpit na ipinagbabawal.
Dahil ang sementeryo ay isang public place, bawal ang paninigarilyo. Mahigpit ding ipatutupad ang presidential decree laban sa pagyoyosi sa pampublikong lugar.
Sa mga pami-pamilyang nakagawian nang magpiknik at magsalo-salo sa puntod ng mahal sa buhay, nire-require ang garbage bag upang masigurong wala silang iiwang kalat.
Bilang bahagi naman ng publiko sa ligtas at tahimik na paggunita sa Undas o Araw ng mga Patay, pinakamahalaga daw na maging maingat at alerto sa lahat ng oras upang huwag maging biktima.
Mula sa pagse-secure sa bahay kung iiwan ito na walang tao dahil sa pag-uwi sa probinsya, hanggang sa maingat na paghahanda sa mga sasakyang gagamitin sa long driving, himdi pagdadala sa sementeryo ng mamahaling alahas, gadgets at iba pang takaw-pansin sa paningin ng masasamang-loob.
Mahalaga rin ang dagdag pag-iingat sa mga bata at nakakatanda upang hindi mawalay sa paningin ng pamilya sa pagdagsa ng tao sa sementeryo.