Displina at leadership ang ilan sa dahilan kung bakit napili si veteran middle hitter Risa Sato na pamunuan ang NU Lady Bulldogs ngayong UAAP Season 82 Women’s Indoor Volleyball Tournament 2020.
Sa kanyang pagbabalik ngayong taon, pinamunuan agad ni Sato ang koponan kontra UST Golden Tigresses, 22-25, 25-23, 20-25, 25-20, 15-13, kamakalawa sa SM Mall of Asia Arena, Pasay.
Ibinahagi ni Norman Miguel ang naiambag ni Sato sa Lady Bulldogs bilang team skipper.
“Noong ginawa naming team captain si Risa, nagbigay siya ng sistema sa team namin. Sa part ng coaching staff nababawasan iyong trabaho namin when it comes to iyong pagdi-discipline ng mga bata. Being a Japanese player, little by little nag-i-input siya ng sistema ng how to discipline (like) a Japanese player,” paliwanag ng NU mentor.
Kahit sa training pa lang ay malaki rin ang naitutulong ni Sato sa sistema ng Bustos-based volleybelles.
“Organize lahat ng kilos namin sa team at siya ang nag-instill niyon. Pati iyong pag-iingay sa training, the typical Japanese training. Nakatulong talaga sa amin, sa kanya pa lang nafi-filter na iyong mga maling nangyayari,” wakas na pahayag niya. (Janiel Abby Toralba)