Nadamay sa problema ni Department of Health (DOH) Secretary Paulyn Ubial ang deliberasyon ng ad interim appointment ni Judy Taguiwalo bilang secretary ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Commission on Appointments (CA).
Ito’y matapos na hindi maisalang kahapon ng committee on labor,employment and social welfare ng CA ang hearing ng appointment ni Taguiwalo matapos na humaba ang diskusyon ng committee on health sa deliberasyon ng ad interim appointment ni Ubial.
Kumain ng mahabang oras ang pakikinig ng mga miyembro ng CA sa oposisyon ni Kabayan party-list Rep. Harry Roque sa appointment ni Ubial kung kaya’t nang isuspinde ang deliberasyon ng appointment ng DOH secretary ay wala nang oras para pag-usapan ang appointment ni Taguiwalo.
Ang kamalasan ni Taguiwalo sa CA ay nadagdagan pa sa pagkalat ng Profile and Investigation Report hinggil sa naging nakaraan ng kalihim.
Ayon sa naturang report, si Taguiwalo ang nanligaw sa ama ng ikalawa niyang anak upang patunayan sa mga kababaihan na hindi dapat ang babae na maghintay na lapitan ng kanilang “prince charming” kundi sila na mismo.
“Characterized as a self-confessed feminist, who was reportedly the one who courted the father of her second child as part of her principle that women were not doomed to wait for their prince charming to come,” ayon sa isinagawang background investigation ng CA.
Dahil sa pag-reset ng deliberasyon ng appointment nina Taguiwalo at Ubial, namimiligro silang ma-bypass kasama si Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano dahil sa hindi na magpupulong ang CA para pagbotohan ang ad interim appointment nila bago mag-adjourn ang sesyon ng Kongreso sa Hunyo 1.
Pag-uusapan kasi ng CA sa susunod na linggo ang resolusyon ni Sen. Paolo Benigno ‘Bam’ Aquino IV na resolbahin ang isyu ng “secret voting” ng CA matapos ang kontrobersya sa kinalabasan ang botohan kay dating DENR Secretary Gina Lopez.