Inanunsyo ng Department of Trade and Industry (DTI) nitong Martes na tuloy ang kanilang Diskwento Caravan, katuwang ang Department of Agricuture (DA), upang matiyak na makabibili ng mura at may kalidad na produkto ang mamamayan.
Sa pamamagitan ng Diskwento Caravan, matutulungan ang mga consumer na mapagkasya ang kanilang maliit na budget sa panahong umiiral ang enhanced community quarantine dahil malaking diskwento ang kanilang makakamit sa pagbili ng mga produkto.
Magsisimulang magbukas ang DA Kadiwa at DTI Diskwento Caravan ng alas-otso ng umaga na tatagal hanggang alas-kuwatro ng hapon na gaganapin sa Green Heights Gym sa Brgy. Nangka, Marikina City.
Ayon sa DTI, hindi lang makatitipid sa oras ang mga consumer sa pamimili ng kanilang pagkain kundi higit sa lahat ay mapagkakasya pa nila ang maliit na budget dahil lahat ng produktong mabibili ay may malaking diskwento.
Nabatid na direkta mula sa mga manufacturer ang mga produkto.
Kabilang sa mga produkto ng Diskwento Caravan ang mga de latang sardinas, instant noodles, kape, suka, toyo, mantika, sariwang isda at manok, sabon, gulay, prutas at maging alcohol.
Tiniyak naman ng kagawaran na ipatutupad pa rin nila ang social distancing sa kanilang gagawing pagbebenta ng mga pangunahing bilihin kasabay ng paghimok sa publiko na samantalahin na ang pagkakataon lalo pa’t malaking tulong ito sa bawa’t pamilya.
Magugunita na una nang inilunsad ng DTI at DA ang Diskwento Caravan sa Taguig City at Navotas noon lamang nakaraang linggo. (Edison Reyes)