Hindi umano nilagdaan ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) chief Aaron Aquino ang dismissal order laban sa 13 pulis na inakusahan ng pag-recycle ng nakumpiskang droga sa isang operasyon sa Mexico, Pampanga noong Nobyembre 2013.
Sa kanilang testimoniya kahapon sa Senado, sinabi nina dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at ngayo’y Baguio Mayor Benjamin Magalong at dating Police Brigadier General Graciano Mijares ng Personnel Holding and Accounting Unit (PHAU) na hindi umano inaksiyunan ni Aquino ang dismissal order matapos tawagan noong 2016 ni National Capital Region Police Office chief at ngayo’y Philippine National Police chief Oscar Albayalde Jr.
Si Aquino ay dating pinuno ng Central Luzon Police office.
Sabi ni Magalong, dating head ng PNP Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM), nagbigay umano siya ng instruction noon kay Mejares na hindi umano dapat ibaba ang parusa sa 13 pulis dahil mabigat ang kanilang kasalanan.
Sabi naman ni Mejares, noong una’y inirekomenda ng PNP na i-downgrade ang dismissal order sa 13 pulis sa demotion ng isang ranggo noong Agosto 2016.
Nakarating ang rekomendasyon sa tanggapan ni Aquino subalit hindi niya ito inaprubahan at ibinalik sa PNP legal department para marebyu.
Nang ibalik ang rekomendasyon sa taggapan ni Aquino matapos ang tatlong linggo noong Setyembre 2016, binago ito at binalik sa dismissal order, sabi ni Mijares.
Subalit hindi rin umano inaksiyunan ni Aquino ang rekomendasyon na dismissal at sa halip ipinatapon ang 13 pulis sa Mindanao.
“An underclass who is a member of the staff of General Aquino when he was RD (Regional Director) told me na alam ko ang nangyari kasi andun ako sa office ni RD [Aquino],” sabi ni Magalong.
“Namomoroblema si RD sino ang susundin, kung si General Magalong who is about to retire [in December 2016], o ‘yung part of ruling class na contender sa pagiging chief PNP,” sambit pa nito.
Ang tinutukoy ni Magalong ay ang pagtawag ni Albayalde kay Aquino kung saan hiniling nito na huwag ipatupad ang dismissal order laban sa 13 pulis. (Dindo Matining)