Nagpatupad ng balasahan ang Bureau of Customs (BOC) sa hanay ng mga district collector sa iba’t ibang mga pantalan sa bansa.
Itinalaga bilang bagong district collector sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) si Carmelita ‘Mimel’ Talusan, dating district collector ng Port of Subic.
Pinalitan ni Talusan sa NAIA si Atty. Vincent Philip Maronilla.
Hinirang naman bilang district collector sa Port of Surigao si Atty. Ma. Liza Sebastian ng Revenue Collection Monitoring Group, habang si Atty. Lyceo Martinez ng Compliance Monitoring Unit ay itinalaga naman bilang district collector ng Port of Zamboanga.
Pinalitan nila sina dating Surigao Collector Lilibeth Mangsal at dating Zamboanga collector Atty. Jesus Balmores.
Si Mangsal ay ginawa namang bagong acting deputy collector for operations sa Port of Cebu.
Ang mga dating collector ay pinalitan matapos mabigong makamit ang target na koleksiyon noong Pebrero.
Sa kabuuan ay nalagpasan naman ng BOC ang target collection nito noong Pebrero na umabot sa P43.674 bilyon, mas mataas ng P1.96 bilyon kumpara sa target na P41.709 bilyon.
Samantala, hinirang naman bilang district collector ng Port of Legazpi si NAIA Deputy Collector for Passenger Services Arsenia Ilagan kapalit ni Atty. Ma. Lourdes Mangaoang na itinalaga naman bilang NAIA Deputy Collector for Passenger Services.
Samantala, nanumpa naman sa puwesto si Director Jessie Cardona ng Anti-Terrorism Council Program Management Center bilang pinuno ng accreditation office ng BOC.