Dito telco malabo sa July 2020 deadline

Maghihintay pa ng isang taon ang taumbayan sa serbisyong inaalok ng third telco player Dito Telecommunity Corporation.

Inamin ng Dito na hindi nito kakayaning mag-umpisa ng serbis­yo sa Hulyo ngayong taon kaya kanilang inurong ang tinawag na commercial rollout sa Marso 2021.

Taliwas sa pangako ng administrasyong Duterte na maganda, mabilis at murang serbisyo ng 3rd telco nga­yong Hulyo 2020 ay sinabi ng Dito sa isang conference noong isang araw na nakasaad naman sa kanilang Certi­ficate of Public Convenience and Necessity na sa Marso 2021 pa talaga ang umpisa ng kanilang pagbukas ng serbisyo sa publiko.

Ang sinasabi umano ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na Hulyo 2020 na commercial rollout ay sadyang inilaan lamang sa tinatawag na ‘technical launch’ at hindi pa ang pormal na pagbukas ng telco services sa mga public subscri­ber.

“March 2021 is really the mandated date by the NTC [National Telecommunications Commission],” sabi ni Dito chief administrative officer Adel Tamano.

Sa panahon ng tinatawag na technical launch, sinabi ni Tamano na bubusisiin ng NTC ang pagsunod nito sa kanilang pangako na seserbisyuhan ang 37% ng populasyon ng bansa na may 27 megabits per second (mbps).

Nangangahulugan ito na susuriin ng gobyerno kung handa na ang network ng Dito kung saan mayroon na itong 1,600 tower pagsapit ng Hulyo nga­yong taon.
Bubusisiin din ng technical launch ang katatagan ng network, gayundin ang kalidad ng customer service support.

Nauna nang nagpahayag ng duda si DICT Sec. Gregorio Honasan na maisasakatuparan ng 3rd telco ang pangako ni Pangulong Duterte sa taumbayan na mabilis at murang serbisyo ngayong taon.