Opisyal nang nagsimula ang panahon ng Kuwaresma nitong Ash Wednesday. Ibig sabihin, simula na rin ng pag-aayuno at pangingilin ng maraming Katoliko.

Alinsunod sa Canon Law, sakop ng tinatawag na Law of Abstinence ang nasa edad 14 pataas kung saan bawal kumain ng karne tuwing Biyernes ng buong Kuwaresma.

Ang mga nasa edad 18 hanggang 60 naman, sakop ng Law of Fasting. Hindi ibig sabihing bawal tayong kumain. Maaari tayong kumain ng one full meal at tig-kakaunting rasyon ng pagkain sa loob ng isang araw.

Para sa ibang deboto, hindi lang pagtitika ang Kuwaresma. Panahon na rin ito para magbawas ng timbang at ma-achieve ang beach body ngayong tag-init. Tuwing summer season kasi natatapat ang Holy Week.

Walang sinusunod na Lent diet ang simbahang Katolika. Pero nakaugalian ng marami na hindi kumain ng meat at mga dairy product­ tuwing Kuwaresma.

Tandaan, ang fasting ay nagsisimula sa self-control. Self-control din ang kailangan sa pagpapapayat.

Ito ang diet rule ng marami: walang chocolate, cake, cookies, at soft drink. Wala ring luxury food – balewala ang hindi pagkain ng meat product kung lobster, shrimp at smoked salmon naman ang lalantakan mo. Siyempre, no to alcoholic drink din.

Ang iba naman, nagiging vegeta­rian sa buong 40 day ng Lenten season. Pero ang ilan, liquid only diet lang ang sinusunod tuwing Good Friday. Sa isang simpleng energy drink, may lakas ka na para sa buong araw.

Pero higit pa sa pagdidiyeta ang diwa ng Kuwaresma. Mas mahalaga raw ang spirituality ng tao kapag ginagawa ang pag-aayuno.

Sabi ng paring nakausap ko – ginagawa raw ang fasting para makapagbahagi tayo sa kapwa higit lalo sa mga nangangailangan at nagugutom. Ibig sabihin, mag-share ng blessing sa mga kapus-palad.

Ngayong Semana Santa, inaalala natin ang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Kristo para sa sanlibutan.

Kaya inaanyayahan din tayong magbalik-loob sa Panginoon sa pamamagitan ng kumpisal, pagkakawang-gawa at pakikiisa sa mga gawaing simbahan gaya ng pabasa, visita iglesia, prusis­yon at iba pa.