Dizon sinungaling na, palpak pa – Trillanes

Huwag na umanong umaasa na maisasakatuparan ang naunang ipinangako ni COVID-19 testing czar Vince Dizon na 30,000 hanggang 50,0000 na test kada araw dahil hindi umano ito mangyayari, ayon kay dating Senador Antonio Trillanes IV.

Sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole, dalawang linggo na ang nakakaraan, ibinida ni Dizon, deputy chief implementer ng national policy laban sa COVID-19, na target ng gobyerno magsagawa ng testing sa 50,000 indibidwal kada araw ngayong Hunyo.

Bahagi umano ito ng plano ng gobyerno na maabot pagsuri ng dalawang porsiyento ng halos 100 milyong populasyon ng Pilipinas.

Pero paniwala ni Trillanes, hindi ito nangyayari sa ngayon. Aniya, walang pagkakaiba si Dizon sa kanyang amo na si House Speaker Alan Cayetano pagdating sa trabaho.

Si Vince Dizon ay tauhan ni Cayetano kaya pareho silang sinungaling at parehong palpak,” pahayag ni Trillanes sa kanyang text message sa Abante.

Tulad ni Cayetano, si Dizon ay isa ring paasa at pabiba. “Yes (nagmana sa amo). Pareho ring paasa at pabida,” dagdag pa ng dating senador.

Nauna rito, kinuwestiyon ni Senador Francis Pangilinan ang tugon ng gobyerno sa laban kontra pandemya.

Sabi nito, mahigit P353 bilyon na ang nagastos ng gobyerno pero hanggang ay hindi napapaba ang kaso ng coronavirus.

“Is there a way for us to get a better sense of how we’re going to achieve what we set out to do? Because the target is May, and apparently, we’ve not reached that,” sabi ni Pangilinan, patungkol sa target na isang milyong test at 30,000 kada araw na pagsusuri, batay sa ibinida ni Dizon noon sa pagdinig ng Senate committee of the Whole.

Isinisi pa ni Pangilinan ang hindi sapat na mass testing at pagka-antala ng report ng COVID-19 data kaya nagkaroon ng kalituhan sa resulta ng ginagawang pagsusuri sa mga taong pinagsusupetsahang nahawaan ng virus.

Sa datos ng DOH online tracker noong nagdaang linggo, 207,000 indibidwal pa lang ang sumailalim sa COVID-19 test nationwide. (Dindo Matining)