Dizon umaming supot covid test

Mismong ang tinalagang testing czar na si National Action Plan Against COVID-19 Deputy Chief Implementer Vince Dizon ay aminado na mahirap maabot ang target na dalawang milyong Pilipino sa coronavirus test.

Para makuha ang target na numero, sinabi ni Dizon sa pagdinig sa Senado noon na kailangang maabot ang ideal testing capacity na 50,000 COVID-19 test kada araw.

“Right now the benchmark is between 1 to 2 percent of the population, but it is important to note that we need to test more in epicenters like the National Capital Region,” pahayag ni Dizon sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole.

Subalit sa ngayon aniya’y hindi pa rin naabot ang naunang target ng gobyerno na 30,000 kada araw hanggang nitong katapusan ng Mayo.

Aniya, kung magagawa lang ang 50,000 test kada araw, aabutin umano ng 40 araw para masuri ang target na dalawang milyong katao.

Nauna nang nagtayo si Dizon ng mga swabbing facility sa iba’t ibang lugar sa bansa. Ilan dito ay matatagpuan sa Philippine Area sa Bocaue, Bulacan; SM Mall of Asia Arena sa Pasay City; Enderun Tent sa Taguig City; at Palacio de Manila sa Malate, Maynila.

Dahil sa kakulangan ng mga testing kit at pasilidad, prayoridad ng Department of Health sa COVID-19 testing ang dalawang subgroup.

Ang subgroup A ay ang mga pasyente o health care worker na mayroong severe o kritikal na sintomas ng COVID-19. Ang subgroup B naman ay iyong mga may mild symptoms lamang.

Aminado rin si Dizon na mahirap gawin ang expanded testing lalo na’t ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at dalawang pang ospital ang may kakayahang magsagawa ng reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) tests para sa COVID-19.

Sa ngayon aniya’y may average lang na 11,000 test kada araw, malayo sa target na 50,000 test kada araw na target sana ng gobyerno.

Pero plano ng gobyerno na paramihin pa ang mga labortaryo ngayong Hunyo para maabot ang target.

Sa ngayon umaabot lamang sa 43 laboratory (14 private, 28 public) ang nagsasagawa ng PCR-test sa bansa.

Si Dizon ay nanunungkulan din bilang Presidential Adviser for Flagship Project at president/chief executive officer ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA. (Dindo Matining)