Kilala si DJ Jhai Ho bilang DJ sa MOR. Pero bukod dito, siya ay isang actor at singer din. Graduate siya ng Masscom sa Lyceum at kinikilala niya ang yumaong si Tita Swarding sa naka-discover sa kanya.
“Nag-guest co-host ako kay Tita Swarding hanggang sa inalalayan niya ako, tinuturuan niya ako… Ayun, tapos nagtuloy-tuloy, nag-Music Update Live writer ako, researcher, at talent coordinator sa ABS-CBN,” panimula ni Jhai Ho nang mag-guest sa online show ng Abante Tonite na “Tambayan ng Tsika.”
Saad pa niya, “Ano muna talaga, lahat sa likod ng camera muna. Kasama ko sina Yeng Constantino, G.
Canlas, Tuti Caringal ng 6Cycle tapos si Martin Concio. Tapos nagkaroon ng Cge TV. That time, 2013 or 2012, pa-launch pa lang ang digital world. Tapos ang ABS-CBN, siyempre bilang isang mahusay sila mag-isip, gumagawa na sila ng way kung paano buksan ang digital world sa mga audience natin. Inilabas ang Cge TV.”
Paano siya napasok sa MOR? “Sa MOR, habang nasa TV5 naman po ako, nagpatawag po sila – nasa taxi ako natatandaan ko, nagpatawag po sila ng audition. Plug siya sa radio, tapos naririnig ko siya habang nasa front seat ako ng taxi. Sabi ko parang sa akin sinasabi ‘yung radio plug -‘Ikaw mag-audition ka!’ Ganyan. Si DJ Chacha na schoolmate ko sa Lyceum before, pareho kaming Broadcasting student, sinabihan niya ako na mag-audition.
“So, pumila ‘ko sa audition, 800 kaming pumila. Tapos after four months, walang tawag, walang text. ‘Yun pala inaayos nang mabuti kasi from Tambayan 101.9 ire-revamp ang WRR, from Tambayan to MOR. So ginawang MOR, nakapasok ako roon, kumbaga pioneer kami ng Metro and Mega Manila na MOR.”
Bakit ba Jhai Ho ang tawag sa kanya? “Kasi ang tunay kong pangalan, ‘di naman siya secret – Lord Jireh. So ‘yung Jireh ‘pag shinortcut mo siya Ji. So ‘yung mga kabarkada ko sa college, parang tawag nila sa akin Ji, kasi parang wala namang tumawag sa akin ng Jireh unless super-close or kababata talaga. So ‘yung Ji, sumikat ‘yung kanta ng Pussycat Dolls na Jai Ho! Ganoon. So roon nanggaling.”
Kasarian ni Fifth naramdaman
Ano ba ang relasyon nila ni Fifth Solomon? “Alam mo nakakatawa kasi super close kami ni Fifth, kasi ‘di pa siya pumapasok ng ‘Pinoy Big Brother’ House, kaming dalawa ni Fifth ay halos sabay sa Cge TV. Bobby Solomon pa lang siya noon… So nag-PBB siya, ganyan, isa sa mga pumutok na balita nga noong time na ‘yun, ‘yung something daw namin, something special daw. Pero sinagot naman na ni Fifth sabi niya, ‘We’re really, really close friends talaga.’ Kasi eversince college siya, ako na ‘yung talent niya sa mga school projects nila. Ano rin kasi siya eh, Broadcasting student din. So ngayong nandito na kami sa industriya, ang eksena namin ay tulungan talaga.”
Noong magkaibigan sila, gay na ba siya talaga o hindi pa? “Alam mo, kuya, ‘di pa siya nag-a-out pero ako naman, nirerespeto ko kasi ‘yung mga ganyan eh, na kapag ‘di ka comfortable na pag-usapan ‘yung gender mo, parang sa akin, what you see is what you get. Even if we’re really close friends, parang gusto ko talaga na sa iyo manggaling. Ayaw ko ‘yung ako ‘yung magtatanong na bakla ka ba, girl? Ayaw ko ng ganoon.”
Nararamdaman niya ba rati o hindi pa? “Ako ramdam ko naman. ‘Di ba ‘yung lumabas nga na blind item, sa Abante ko pa nga yata nabasa ‘yun? Na-blind item kami rati parang ang eksena, si Fifth at ako ay lumabas sa Boracay together dahil parang nakita kami sa isang private resort something. Kasi noong time na ‘yun sinamahan talaga niya ako sa Boracay trip na ‘yun, na supposedly hindi talaga siya ang kasama. Pero dahil heartbroken ako that time, si Fifth ang ‘syumolder,’ siya ang sumama sa akin.”
Idol si Boy Abunda
Sino ang dream niyang ma-interview? “Pangarap kong ma-interview talaga si Tito Boy (Abunda). Nag-guest na ako sa ‘Tonight With Boy Abunda,’ tapos noong birthday niya last Saturday, eto lang sa ‘The Bottomline.’ Pinatawag ni Tito Boy ‘yung young hosts, kasama ako sa handpicked ni Tito Boy na isinama niya roon. And ang alam ko sa birthday special ko sa ‘Showbiz Pa More’ sa Jeepney TV, si Tito Boy ang aking ka-one-on-one.
“So, ‘di ko pa masabing natupad na kasi parang inaayos lang ‘yung schedule, pero siya ‘yung dream kong ma-interview. Dahil siya ang King of Talk, ‘di ba? And idol ko siya and bukod sa marami kang matututunan sa kanya, ang sarap sa pakiramdam na ikaw na nagsisimula as host ay makakasama mo ang beterano na talaga,” nakangiting saad pa ni Jhai Ho.