Nagpositibo umano sa droga ang naarestong radio disc jockey o DJ na si Karen Bordador gayundin ang kanyang boyfriend na si Emilio Lim matapos na isailalim sa drug test.
Isinalang sa drug test ang magkasintahan matapos maaresto sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa condominium unit ni Lim sa Pasig City.
Batay sa impormasyong nakalap mula sa mga awtoridad na nagsagawa ng buy-bust operation, parehong positibo sa droga ang magkasintahan taliwas sa naunang pahayag ni Bordador na bumisita lamang siya sa condominium unit ng boyfriend na si Lim sa Pasig City nang madakip sila ng mga operatiba.
Nabatid naman mula sa isang press statement ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na tinulungan pa umano ni Bordador ang kasintahan nito na magbenta ng ecstasy sa isang poseur buyer nang masakote sila ng mga awtoridad.

Tinangka din umano ng dalawa na isarado ang pintuan ng condominium unit upang hindi sila madakip ng mga operatiba.
Napag-alaman din na sinampahan na ng kaso ng pulisya sina Bordador at Lim sa Pasig City Prosecutor’s Office kaugnay ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Naaresto ang magkasintahan matapos umanong inguso ng isang Filipino-American na kinilalang si Evan Reynald Baylon na unang nadakip ng mga operatiba sa isang buy-bust operation sa isang high end bar sa Bonifacio Global City sa Taguig.
Ikinanta umano ni Baylon sa mga awtoridad na si Lim ang kanyang supplier ng mga ecstasy at iba pang party drugs.
Dahil dito, agad na ikinasa ang buy-bust operation laban kay Lim kung saan naaresto din si Bordador na unang sinabing bumisita lamang siya sa condominium unit ng kanyang nobyo.
Aabot sa P2.6 milyong halaga ng mga ecstasy pills, pinatuyong marijuana, marijuana resin at mga drug paraphernalia ang nasamsam, at narekober din ang ginamit na P100,000 buy-bust money.