Inutos ng isang opisyal ng Davao City Hall ang agarang paglikas ng mga nakatira sa isang condominium na pag-aari ng DMCI-Consunji dahil sa mga nakitang depekto nito matapos ang mga naganap na lindol sa Mindanao noong nakaraang taon.
Nabatid na binigyan ng Office of the City Building ng limang araw ang mga nakatira sa Magallanes Residences ng DMC Urban Property Developers Inc. para bakantehin ang kanilang mga condo unit.
Sa isang liham ni Office of the City Building officer-in-charge Engineer Cirinia Grace Catubig, inihayag nito na binigyan nila ng taning ang pamunuan ng condo hanggang nitong Miyerkoles para ilikas ang kanilang mga residente.
Batay kay Catubig, isang team na binubuo ng mga kinatawan ng City Engineer’s Office, Philippine Institute of Civil Engineers at Association of Structural Engineers of the Philippines ang nag-inspeksyon noong Biyernes sa naturang condo at agad naglabas ng kautusan para bakantehin ito ng araw ding iyon matapos ideklarang hindi ligtas ang gusali dahil sa “major structural cracks” nito matapos ang magnitude 6.9 lindol noong Disyembre 15, 2019.