Sa kabila ng pagkakatukoy ng pagkakakilanlan sa Resorts World Manila attacker na si Jessie Javier Carlos na nasawi sa sunog matapos magbaril ng sarili ay iniutos pa rin ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang pagsasailalim sa DNA e­xamination ng mga labi ng suspek.

Ayon kay Aguirre, sa pamamagitan ng DNA examination ay tuluyan nang mabubura ang mga pagdududa sa pagkakaki­lanlan ni Carlos kung ito ang siyang tunay na gunman na umatake sa RWM at siya ding bangkay na nakitang sunog sa ika-limang palapag ng gusali.

Matatandaan na ang pagkakakilanlan sa suspek ay nakumpirma ng Philippine Nationa­l Police (PNP) matapo­s makipagtulungan sa mga awtoridad ang mga kaanak nito na siya mismong nagkumpirma na ang salarin na nakuha­nan ng CCTV footage ay si Carlos.

Kaugnay nito ay sinabi naman ni Nationa­l Capital Region Police Office (NCRPO) director, Oscar Albayalde na bagama’t natukoy na ang gunman ay hindi pa rin tapos ang imbestigasyon sa insidente.

Sinabi ni Albayalde na mahalaga na malaman ang puno’t dulo ng insidente.

Sa pamamagitan nito ay mapatutunayan na sa taumbayan na totoo ang pahayag ng pulisya na hindi ito gawa ng isang terorista, kundi isang tao na lulong sa sugal. (With Betchai Julian)