DND binakbakan sa kawalan ng aksyon vs China sa WPS

Isinantabi ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate ang sinasabing panunubok lang ng China kaugnay ng pinakabagong insidente sa West Philippine Sea.

“Pinaputok man o hindi pa ang radar gun nila, malinaw ang sadya o intension ng China: i-bully pa at takutin ang PN at ang mga maliliit na bansang katulad ng Filipinas na claimants sa WPS. Noong mga nakaraang panahon, verbal.na pananakot lang ang ginawa nila, nitong nakaraan nakatutok na ang mga baril nila,” ani Zarate.

Kung patuloy aniya ang walang gagawing aksiyon ng gobyerno para idepensa ang teritoryo ng Pilipinas sa WPS ay hindi na nakakagulat na papuputukan ng China ang mga Navy.

Kaugnay niyo ay nagpahayag ng pagkadismaya kay Defense Secretary Delfin Lorenzana ang isang kongresista dahil mistulang pinaboran pa nito ang China kaysa sa Philippine Navy (PN) na tinutukan ng Chinese warship ng radar gun sa teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea.

Sinabi ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, na tila pinangunahan ni Lorenzana ang imbestigasyon nang sabihin nito na walang intensiyon ang China na saktan ang PN kundi sinusubukan lang ng mga ito ang reaksiyon ng Pinas.

“Pinangungunahan ni Defense Sec. Lorenzana ang imbestigasyon sa pagtutok ng radar gun ng Chinese ship sa ating Navy sa agarang pagdepensa nito sa intensiyon umano ng Tsina. Para itong manghuhula na pabor sa Beijing gayong mayroon na ngang diplomatic protest na naisampa dahil sa posibleng paglabag na nagawa,” ani Brosas.

“Hindi dapat maging bulag at bingi ang sandatahan ng Filipinas sa ganitong lantaran na pagyurak sa sovereign rights ng bansa. Masusing imbestigasyon ang kailangan at hindi pagsawalang bahala at panghuhula,” giit pa ng solon.