Sa kabila nang pagkumpirma na hindi target ng missile attack ang Pilipinas, tiniyak ng Department of National Defense (DND) na naka-standby sila sa anumang kaganapang makaaapekto sa Pilipinas sakaling ituloy ng North Korea ang missile attack sa Estados Unidos.
Inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, posible silang maglabas ng no-sail zone advisories sa mga coastal areas at alert advisories sa mga local government units (LGUs) para itaas ang kanilang alerto.
Magugunitang nagbanta ang North Korea na ikinokonsidera nito ang pagsasagawa ng missile strike sa Guam na isang US territory sa Pacific Ocean.
Sinabi ni Lorenzana na nananatili ang kanilang monitoring sa mga development sa rehiyon at itinuturing nila itong civil defense sa halip na military issue kaya naatasan ang Office of Civil Defense (OCD) na magsagawa ng kaukulang preparasyon kaugnay sa posibleng mangyari pagkatapos ng missile launch.