Nalalapit na ang huling tsansa ng Team Pilipinas para makakuha ng slot sa 2019 FIBA World Cup.

Darayo ang Nationals­ sa Qatar sa Pebrero 21 at Peb. 24 sa Kazakhstan.

Dalawang beses natalo ang bansa sa nakaraang window sa sarili nating homecourt noong isang taon laban sa Kazakhstan at Iran.

Sa kasalukuyan ay nasa ikaapat na puwesto ang Team ‘Pinas sa Group F, nasa unahan ang Australia, Iran at Japan.

Must win ang ating huling dalawang laro dahil ang top 3 lamang sa ating grupo ang uusad sa Olympics ng basketball.

Bilang pagpapala­kas ng tsansa na maipanalo ang natitirang mga laro, muling isinama si Andray Blatche sa lineup ni Coach Yeng Guiao.

Subok na natin ang kakayahan ni Blatche at malaki ang maitutulong nito sa opensa, rebounding at higit sa lahat ang umakit ng depensang kalaban upang malibre ang ating mga shooter.

Gaano kahanda na ba ang ating National team? Maliban sa ilang players na may minor injuries, ang kawalan ng tuneup games ang pinakamalaking hamon sa paghahanda at kakayahan ng ating koponan.

Pinangangambahan din ang sobrang lamig na klima sa Kazakhstan at mainit na klima naman sa Qatar na maaring makaapekto sa ating mga manlalaro.
Ang iba pang players­ ay sina June Mar Fajardo, Japeth Aguilar, Gabe Norwood, Jayson Castro, Paul Lee, Troy Rosario, Scottie Thompson, Marcio Lassiter, Mark Barroca, RR Pogoy, Raymond Almazan, JP Erram, Thirdy Ravena at Christian Standhardinger.

Ipinagdarasal ng buong sambayanan ang tagumpay ng ating pambansang koponan ganun din ang kanilang kaligtasan sa pagdayo sa lugar ng ating mga makakalaban.