Doble ang kapal ng mukha – Lacson

panfilo-lacson

Hindi umatras si Senador Panfilo Lacson sa mga kongresistang umalma sa kanyang pahayag na makapal ang mukha ng mga mambabatas na nagsusulong ng term extension.

Bagama’t humingi ng paumanhin ay dinagdagan pa ni Lacson ang paglalarawan sa mga ito sa pagsasabing doble ang kapal ng mukha nila.

Tinukoy ni Lacson si Deputy Speaker Fred Castro na nagbabala na posibleng mawala ang respeto ng mga tao sa senador.

“Pasensya na kay Cong Castro kung  nasaktan siya sa sinabi ko na makakapal ang mukha ng mga hindi makapagpigil magsabi na gagamitin nila ang Charter change para

1) mapalawig ang termino nila at;

2) wala nang eleksyon,” saad ni Lacson.

“Dapat pala ang sinabi ko, dobleng kapal ang mukha,” dugtong pa nito.

Una nang iginiit­ ni Lacson na kung magkakaroon man ng term extension sa pagba­bago sa Saligang Batas, dapat hindi na makinabang dito ang mga kasalukuyang mambabatas na mangangasiwa sa Charter Change.