Todas ang isang tulak ng droga na umano’y police asset din na mahilig magturo ng indibidwal kahit hindi naman drug pusher at user, nang tangkain nitong manlaban sa ikinasang buy-bust operation laban sa kanya sa Valenzuela City kamakalawa nang hapon.

Ayon kay Chief Inspector Jowiloiue B. Bilaro, hepe ng Station Drug Enforcement Unit ng Valenzuela City Police, dead-on-arrival sa ospital ang suspek na si Aldin M. Gallego, 37-anyos, naninirahan sa Brgy. Marulas ng nasabing lungsod, dahil sa tama ng mga bala sa dibdib at katawan.

Nasakote naman ang isa pang suspek na si Marlon Torcuator, 41-anyos at residente ng Brgy. Gen. T. De Leon, Valenzuela City, na barkada at laging kasama ng napatay na si Gallego.

Bago isinailalim sa buy-bust, nag-viral sa social media si Gallego nang i-post ang larawan nito ng isang netizen na nananawagan kay Mayor Rex Gatchalian.

Mababasa sa post na kahit hindi umano drug pusher at user ay itinuturo ni Gallego para ipahuli.

Minsan may kalugar umano si Gallego na nakagalit nito at kahit walang kinalaman sa droga ay ipinahuli sa mga pulis na kanyang pinaglilingkuran bilang asset o informer.

Dahil dito, inatasan ni Bilaro ang grupo ni SPO1 Roberto Santillan para kumpirmahin ang akusasyon laban kay Gallego at nang magpositibo ay saka ikinasa ang buy-bust operation.

Isang pulis ang nagpanggap na iiskor ng shabu sa suspek na nagkakahalaga ng P500 pero nakahalata umano si Gallego na pulis ang kaharap kaya binunot nito ang kanyang baril na caliber .38 pistol pero naunahan siyang paputukan ng grupo ni SPO1 Santillan.

Nakuha sa suspek ang apat na sachet na may lamang shabu at sa morgue ng ospital, nasamsam pa ang 10 sachet na nakalagay sa itim na shoulder bag.
Sinabi ni Bilaro na may mga kasong homicide, illegal possession of deadly weapon at droga si Gallego.

Kinasuhan naman ang naarestong si Torcuator ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Nabatid na kalalaya lang ni Torcuator noong 2016 dahil sa kasong may kinalaman sa droga. (Orland Linde)