Dobleng sahod ng pulis, 5 years pa bago matupad

Hindi umano kakayanin ng gobyerno na ibigay na ngayon ang dobleng sahod ng mga pulis at sa halip ay posibleng sa susunod na limang taon pa ito maipatupad.

Ito ang sinabi ni Budget Secretary Benjamin Diokno, kasabay ng pagsasabing ang matatanggap pa lamang ngayon ng mga pulis at sundalo ay yaong increase sa hazard pay at allowances .

Ipinaliwanag ni Diok­no na base sa panukalang 2017 budget, hindi naisama rito ang alokasyon sa dobleng sahod ng mga pulis at sundalo.

Gayunman, tiniyak ni Diokno na makatatanggap pa rin ng pay hike ang mga ito bilang bahagi ng “second tranche” ng  Sala­ry Standardization Law.

“Most likely, we would first adjust the hazard pay because their lives are real­ly on the line, as well as the allowances, so that there would be no distortion. We would study that, if the monthly salaries of police personnel is raised to P50,000 as earlier proposed, it would entail a lot of adjustments in the salaries of other personnel, in order to avoid wage distortion,” ayon pa kay Diokno.

Nauna nang ipina­ngako ng Pangulong Rodrigo Duterte na gaga­wing doble ang sahod ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) bilang bahagi umano ng pagpapataas ng moral ng mga ito.