Huli ang isang dentista nang makapkapan ng marijuana sa routine inspection sa istasyon ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) sa Cubao, Quezon City, ayon sa ulat ng pulisya.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, P/Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., ang nahuling suspek na si Doc Royce Albert Esteban, 28, dentista, residente ng Sampaloc, Manila.
Siya ay sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa inisyal na ulat ng QCPD, alas-4:32 nang hapon noong Marso 8 nang maaresto ang suspek ng mga tauhan ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB) at Cubao Police Station (PS 7) sa Cubao Station ng LRT-2.
Papasok ng istasyon ng tren ang suspek ngunit nang sumailalim ito sa routine inspection ay nakapkapan siya ng security guard na si Eugene Abalon sa kanyang bulsa ng isang pakete ng sigarilyo na may lamang mga nakarolyong pinatuyong dahon ng marijuana.
Kaagad namang humingi ng tulong ang guwaridya sa mga pulis na naka-duty sa lugar para idetine at sampahan ng kaso ang suspek.