Alam ni Doc Willie Ong na malaking laban ang kinakaharap niya sa May 13 midterm elections.
Kaya ngayon pa lang, inihahanda na niya ang sarili sa posibleng pagkatalo sa tinatakbuhang posisyon sa Senado.
Ang mahalaga kay Doc Willie ay nakapasok na siya sa puso ng mga tao.
“Sa Mayo 13, hindi man tayo makapasok sa Senado. At least, naka-PASOK naman tayo sa PUSO ng mga tao.” ayon sa pinost ng doktor sa kanyang Facebook account.
Sa kanyang pagdalo naman sa Fire Volunteer Olympics na dinaluhan din ni Bureau of Fire Protection (BFP) NCR Senior Supt. Wilberto Kwan Tiu, nagkaroon ng pagkakataon si Doc Willie na makapagsalita sa harap ng mga fire volunteer.
“Kahit wala akong pera at makinarya, lumaban ako. Para maging inspirasyon sa malinis na tao tulad niyo…” bahagi ng sinabi ni Doc Willie.
Nanindigan na ang doktor na huwag tumanggap ng campaign fund mula sa mga negosyante upang sa gayon ay hindi makompromiso sakaling manalo sa Senado.