Doctor, nurse nagkakaubusan na!

Nagpasaklolo sa Department of Health (DOH) ang dalawang ospital sa Dumaguete makaraang ma-quaran­tine ang 43 staff member nito na nakasalamuha ng isang konsehal na nagpositibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Base sa ipinadalang sulat ng local Regional Epidemio­logy Surveillance Unit sa DOH-Central Visayas office, hiniling nito na magpadala ng mga nurse sa Silliman University Medical Center (SUMC) at Ace Dumaguete Doctors mula sa kanilang Nursing Deployment Program.

Ayon kay Bimbo Miraflor, Negros Oriental provincial government spokesperson, naipadala na ang kanilang kahilingan subalit walang katiyakan kung ito ay agad na matutugunan ng DOH.

Nabatid na 20 nurse ng Ace Doctors ang naka-qua­rantine, habang ang mga may direct contact sa infected councilor ay naka-isolate sa ospital habang ang iba naman ay naka-self-quarantine sa kanilang mga tahanan.

Habang sa SUMC, 23 medical staff, kabilang ang dalawang resident doctors ang naka-quarantine, lima sa kanila ang malapitang nakasalamuha at nag-alaga sa konsehal na na-test na COVID-19 positive bagama’t nakasuot ang mga ito ng protective equipment.

Ang 64-anyos na konsehal ay dinala sa Ace Doctors nitong March 6 subalit makalipas ang apat na araw ay inilipat ng pamilya sa ICU unit ng SUMC nang lumubha ang kondisyon nito.

39 staff ng Philippine Heart Center, PUI
Samantala, 39 staff ng Philippine Heart Center (PHC) sa Quezon City ang isinailalim sa persons under investigation (PUI) matapos na asistihan ang isang pasyenteng namatay sa COVID-19.

Nitong Huwebes, ang patient number 37 (PH 37), na 88-anyos na lola ay namatay sa nasabing virus.

Ayon kay Dr. Joel Abanilla, medical director ng PHC, ang 39 personnel, kabilang ang 19 nurse at 7 doctor, na nag-asiste sa matandang babae ay isinailalim sa mandatory quarantine.

“Lahat ng na contact niya (All of her close contacts) from attending to nurses to technicians, lahat iyan, we now label them as PUIs,” ayon kay Abanilla, kasabay nang pagsasabing ang kanilang 12 silid sa ospital ay ginagamit sa quarantine ng mga PUI.

“So some volunteered self-quarantine at home a lot of them are here at a hospital confined at an area. There are about 39 of them,” dagdag pa ng doktor.

50 staff ng NMMC pinag-quarantine
May 50 empleyado ng Northern Mindanao Medical Center (NMMC) ang mino-monitor at pinayuhang mag-quarantine.

Ayon kay Dr. Jose Chan, NMMC chief, ang nasabing mga hospital staff ang humarap sa Patient 40, na infected­ ng COVID-19. Ang pasyenteng 54-anyos mula sa Lanao del Sur, ay pumanaw nitong Biyernes.

Sinasabing hindi nakayanan ng pasyente ang dinaranas nitong acute respiratory distress syndrome mula sa severe pneumonia.

Una nang kinumpirma ni Dr. Chan na mas lumalala ang kalagayan ng pasyente habang ginagamot sa ospital.

Sa ngayon, napagdesisyunan ng bahay-pagamutan na isailalim sa 14 day quarantine ang mga health personnel na nagbantay at nag-alaga sa namatay na pasyente.

Gayuman, inamin ng NMMC na ilan sa kanilang health personnel ang sumailalim na sa home qua­rantine.

Ito’y matapos nakaranas ng sintomas ng COVID-19 lalo pa’t isang pasyente na nagpositibo sa naturang virus ang naka-confine sa nasabing pagamutan.

Ngunit nilinaw ni NMMC chief Dr. Jose Chan na walang dapat ikabahala ang publiko dahil normal sa kanila ang posibilidad na mahawaan lalo pa’t walang pinipili ang COVID-19.

Tiniyak naman nito na mahigpit nilang imo-monitor ang kalagayan ng kanilang mga health personnel upang masiguro ang kanilang kaligtasan.
Napag-alaman na tatlo pang persons under investigation ang naka-confine sa NMMC na pawang nakaranas sila ng severe acute respiratory infection.

Samantala, sinabi rin ni ni Health Assistant Secretary Maria Rosario Vergeire na ilang health worker sa Rizal Medical Center (RMC) sa Pasig City ang kabilang sa persons under investigation (PUI) makaraang ma- exposed sa mga pasyeteng may COVID-19.

“I assure our health workers that you have the full support of the whole Department as we go through this ordeal together. I commend the commitment of our health workers, who amidst the risks they are currently facing, are still serving and saving the lives of our kababayans,” sabi pa nito.

Hindi na idinitalye ng DOH ang sinasabing COVID­-19­­ patient na ginagamot ngayon sa Rizal Medical Center. (Juliet de Loza-Cudia/Dolly Cabreza)