DOF binarya economic stimulus

Binarat ni Finance Secretary Carlos Dominguez III ang stimulus package na nais ilatag ng mga senador na mahalaga para gumulong muli ang ekonomiya.

Ayon Bilyonaryo.com.ph, aabot pa sa P670 bilyon ang gustong stimulus package ng mga senador ngunit mistulang baryang P140 bilyon na lang ang kanilang ipinasa dahil sa pambrabraso ni Dominguez dahil wala itong mapagkukuhanang pangtustos dito.

Sa Kamara, P1.3 trilyon ang rescue package na tinitignan para maalalayan ang mga manggagawa at mga negosyanteng makabangon muli at maiahon ang ekonomiya.

Para madiskartehan ang sitwasyon, pinagkasunduan na lang ng mga senador na magpasa ng P140 bilyong mini-stimulus program na pangsamantalang lunas para makapagsagawa pa ng mga pandinig kung saan pag-uusapan ang mas malaking stimulus package.

Ayon sa Bilyonaryo.com.ph, nagpadala ng sugo sa Senado si Dominguez para balaan silang ibabasura lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang anumang stimulus package na hihigit pa sa P140 bilyon.

Nagkukuripot na si Dominguez dahil malaki na ang nagastos ng administrasyong Duterte sa Bayanihan 1 kung saan 23 milyong pamilya dapat ang nakatanggap ng ayuda.

Sa panukala ni Dominguez, ililimita nito ang stimulus package sa P131 bilyon lamang at P70 bilyon pa rito ay para sa mga loan guarantee mapupunta at hindi man lang sa totoong pautang. Sa panukala ng Kamara, P20 bilyon lamang ang inilalaan sa loan guarantee at P50 bilyon ang pupunta sa pautang na walang interes at P45 bilyon ang pautang na ilalaan para sa micro, small at medium enterprises.

Sa panukala ni Dominguez, P30 bilyon lamang ang subsidiya para sa sweldo ng mga manggagawa, kakarampot lamang kung ikukumpara sa P110 bilyon na sinusulong sa kamara. Kasama sa panukala ni Dominguez ang P10 bilyon para sa mass testing at P21 bilyon na tulong para sa mga displaced at disadvantaged workers.

Nagbabala ang isang analyst na sasakalin ng pamahalaan ang ekonomiya kung hindi ito maglalagay ng sapat na pera para gumulong ito. Umurong ang ekonomiya noong first quarter kung kailan dalawang linggong hindi nakalabas ang mga tao.

Sinusulong at sinusuportahan ng 44 na business groups ang stimulus package ng Kamara kahit pa kakarampot lang ito kumpara sa ginagastos ng ibang mga bansa sa rehiyon.(Eileen Mencias)