DOF, BIR walang puso sa tax collection – Salceda

Pumalag si Albay Rep. Joey Salceda sa desisyon ng Department of Finance (DOF) at Bureau of Internal Revenue (BIR) na hindi palawigin ang itinakdang April 15 deadline para sa tax payment.

Tinawag ng kongresista ang dalawang ahensiya na walang puso sa ganitong panahong nahaharap sa matinding krisis ang buong mundo.

Hindi niya umano akalain na ganito katigas ang puso ng dalawang ahensiya.

Ayon sa mambabatas, ang utos ng pamahalaan ay “Bawal lumabas, quarantined kayo, kailangan niyong sumunod.

Hulihin kayo ‘pag lumabas and finally no extension for tax payments due on April 15. This is a cheap shot from the DOF and the BIR.

I did not expect them to be this heartless,” sabi ni Salceda.

Habang ang mga gobyerno umano sa buong mundo ay nakikisimpatiya sa kanilang mga mamamayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong tulad ng pagkain, gamot at lahat ng klase ng ayuda na kanilang maibibigay sa ganitong matinding krisis, may gana pa umano ang dalawang ahensiya na sabihing walang deferment o pagpapaliban sa itinakdang April 15 deadline.

“Hindi kami nanghihingi ng pera. Magbabayad kami ng buwis. Pero, huwag mo naman sabihin sa amin na magbayad kami dalawang araw matapos ang quarantine na in-impose ninyo,” giit pa ni Salceda. (EPrado)