Nagkukumahog ang Department of Finance (DOF) na maghanap ng ibang mga bansang mauutangan dahil sa ayaw na ni Pangulong Rodrigo Duterte ng tulong sa mga bansang sumuporta sa Iceland resolution na imbestigahan ang tinatawag na war on drugs ng administrasyon sa UN Human Rights Council.
Sabi ng DOF sa isang pahayag kahapon, inutusan na ni Finance Secretary Carlos Dominguez III si Undersecretary Mark Dennis Joven na suriin ang mga apektadong proyekto at hanapan ng paraan para pondohan ito ng mga bansang hindi sumuporta sa panukala ng Iceland.
May 47 miyembro ang UNHRC at 17 ang sumuporta sa Iceland kabilang ang Argentina, Australia, Austria, Bahamas, Bulgaria, Croatia, Czech Republic, Denmark, Fiji, Italy, Mexico, Peru, Slovakia, Spain, Ukraine, the United Kingdom, at Uruguay. Nanalo ang resolusyon ng Iceland dahil 14 lang ang kumontra dito at 14 ay nag-abstain.
Ang France, Germany, at Sweden ay hindi mga miyembro ng UNHRC ngunit sinuportahan din ng mga ito ang panukala ng Iceland. (Eileen Mencias)