DOH: 145 COVID patient gumaling

Naitala ng Department of Health (DOH) ang pinakamalaking bilang ng mga nakarekober sa coronavirus na umabot ng 145 hanggang alas-kuwatro ng hapon nitong Miyerkoles.

Batay sa DOH COVID-19 Bulletin #060, umabot na sa kabuuang 2,251 ang bilang ng mga COVID patient na gumaling sa Pilipinas.

“DOH also announces 145 new recoveries. This brings the total number of recoveries to 2,251,” pag-uulat ng kagawaran.

Nakapagtala naman ang DOH ng 268 bagong kaso ng coronavirus sa nakalipas na 24 oras dahilan para umabot na sa kabuuang 11,618 ang nagpositibo sa COVID-19 infection sa bansa.

Habang may 21 pa ang naitalang namatay kaya umabot na sa 722 ang kabuuang bilang ng mga nasawi dahil sa virus.

Kaugnay nito, sa National Capital Region (NCR) naitala ang 165 (61%) sa mga bagong kaso, 58 (22%) naman dito ay mula sa Region 7 o Central Visayas habang ang 45 (17%) ang galing sa iba pang panig ng bansa.(Juliet de Loza-Cudia)