Inamin ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III sa harap ng mga senador na ang kakulangan ng testing capacity ang pinakamahina sa health system ng bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic.
“Ang pinakamaliwanag na puwang o kakulangan po na atin pong natuklasan bunsod ng COVID-19 pandemic ay ang atin pong mga testing facilities,” pahayag ni Duque sa pagdinig ng Senate committee on health committee.
“`Yan po ang talagang number one weakness po sa kasalukuyang sistemang pangkalusugan,” dagdag nito.
Kaya kailangan aniyang dagdagan pa ang bilang ng mga sub-national laboratory para mapalakas ang testing capacity ng bansa.
“Sa testing natin ay aminado po tayo na iyan po ang isa sa pinakamalaking limitasyon po ng kasalukuyang sistema pero ginagawa po ng gobyerno na paunlarin ang bilang ng atin pong sub-national laboratories at ang mga pribadong mga laboratoryo na nagko-compliment po sa ating hangarin na ma-expand at ma-ramp up ang ating testing capacity,” ani Duque.
Pinarami na ng gobyerno ang kanilang COVID-testing capacity sa pamamagitan ng pag-accredit sa marami pang laboratory na may kakayahang magsagawa ng COVID-19 test.
Sa kasalukuyan, umabot pa lang sa 300,000 indibidwal ang nasuri sa bansa. (Dindo Matining)