DOH chief kakasuhan sa pamimigay ng condom

Nagbanta ang isang senador na maaari niyang kasuhan si Health Secretary Paulyn Ubial kapag iti­nuloy ang distribusyon ng condom sa mga mag-aaral sa high school bilang bahagi umano ng kampanya para mapigilan ang paglaganap ng teenage pregnancy at HIV-AIDS.

Sinabi ni Senate Majority Leader Vicente ‘Tito’ Sotto III na lalabagin ni Secretary Ubial ang batas sa statutory rape kung saan ipinagbabawal ang pakikipag-sex sa underage at ang Republic Act 7610 o ang batas para sa special protection against child abuse, exploitation and discrimination.

“Kung siya (Ubial) o ang mga tao sa DOH ang nagpipilit niyan, they are playing with fire,” babala ni Sotto. “Baka dalhin namin sila sa korte”

Nagbanta rin ang senador na haharangin ang kumpirmasyon ni Ubial bilang kalihim ng DOH sa Commission on Appointment (CA) kung itutuloy nito ang pamamahagi ng condom sa high school students.

Ani Sotto, sa pagbibigay ng condom sa mga mag-aaral sa high school, parang ineengganyo na ang mga mag-aaral na makipagtalik sa murang edad.

“Parang ang mga high school students binibigyan mo ng kutsilyo parang sinasabi mo ‘pag napalaban ka gamitin mo’. Binigyan mo ng condom ‘pag napalaban ka gamitin mo,” katuwiran ng senador.