DOH hindi handa sa local transmission

Umakyat na sa 33 ang bilang ng mga nagposi­tibo sa COVID-19 kaya naman nangangamba na ang lahat dahil big­laan ang pagtaas ng bilang nito sapol nang makapagtala ng unang tatlong kaso noong Ene­ro.

Pero ang nakadidismaya nito, itong Department of Health (DOH) eh mukhang babagal-bagal sa pagbigay ng impormasyon dahil nauna pang nalaman ng tao ang bagong kaso sa social media kesa sa kanila.

Nagalit pa nga ang DOH dahil may isang kompanya ang mismong naglabas ng impormasyon tungkol sa isa nilang empleyado na nagpositibo sa coronavirus.

Hindi dapat sisihin ng DOH ang mga kompanya o ospital sa pag-anunsyo ng bagong kaso. Mabuti na nga iyon dahil naabisuhan agad nito ang publiko kesa naman sa kanila na mabagal maghayag o magpalaganap ng impormasyon.

Baka nga kung ibinigay nila ang impormasyon sa DOH malamang na itago ito sa publiko. Hindi natin masabi ‘di ba? Dahil sa kabagalan ng DOH, hindi maiaalis na mawalan ng kumpiyansa ang publiko sa kanila.

Sabi nga nila, alam ng publiko ang mga bagong kaso pero itong DOH, nganga lang at para bang sila na lang ang hindi nakakaalam sa mga bagong kaso ng coronavirus.

Ang isa pang nakakalungkot, nabuking sa Senado na sa kasalukuyan, mayroon lang 2,000 testing kit ang Research Institute for Tropical Me­dicine (RITM). Mukhang sablay sila rito, mukhang hindi pinaghandaan talaga ang posibleng pagdami ng kaso.

Nakapagtataka naman na Disyembre pa pumutok ang coronavirus sa China, at Enero naman naitala ang unang tatlong kaso nito sa Pilipinas pero parang hindi masyadong naghanda ang DOH para rito.

Dalawang buwan na kung tutuusin mula nang magtala tayo ng coronavirus cases dapat sa ganoong period sana’y nag-stock na sila ng mara­ming test kit para sigurado nang may magagamit sakaling dumami pa ang bilang ng kaso nito.

Pero hindi inisip ng DOH ito, masyado silang nagrelaks. Inisip nila na hindi magkakaroon ng local transmission. Akala siguro nila mananatili lang sa tatlo ang kaso dito sa Pilipinas kaya hindi na sila kumuha ng maraming test kits.

May utos daw ang DOH na 4,500 testing kit pero good lang daw iyon sa 2,000 na indibidwal. Imagine, wala pang 5,000 ang reserba natin. Paano kung lumobo ang kaso (huwag naman sana), ano ang gagawin ng DOH at RITM?
Tapos ngayon, hinihirit ng DOH ang P43 milyong pondo para pambili ng COVID-19 testing kits. Teka, bakit wala na bang pondo ang DOH para rito? ‘Yan ang malaking katanungan.

Imagine, 2,000 testin­g kits lang meron tayo ngayon sa populasyon natin
107 milyon. Hindi ba’t nakakatakot. Talaga namang nakakapraning itong DOH. Lord kayo na bahala.