DOH kabado sa pagkalat ng sakit

Tonite-DOH

Pinag-iingat ng Department of Health (DOH) ang lahat ng mga resi­dente na naapektuhan ng lindol sa Mindanao sa posibleng mga sakit na kumalat sa mga evacuation center.

Kasabay nito, hinikayat ni Health Undersecretary at Spokesperson Eric Domingo ang mga evacuee na magkaroon ng proper hygiene upang makaiwas sa posibleng outbreak ng mga sakit.

Hinikayat ni Domingo na ugaliin ang tamang paghuhugas ng kamay at pagtiyak na malinis na tubig lamang ang iinumin at gagamitin sa pagluluto.

Prayoridad umano ng DOH na matiyak na hindi magkakasakit ang mga evacuee.
Sinabi ni Domingo na ginagawa nila ang lahat upang mapagkalooban ng kinakailangang atensyong medikal ang mga residente na naapektuhan ng malalakas na lindol sa Mindanao.

Gayundin para maiwasan ang pagkalat ng mga sakit, lalo na sa mga evacuation center dahil ayaw ng DOH na malagay sa lalong mahirap na sitwasyon sa mga residente na nabiktima na nga ng lindol ay dadapuan pa ng karamdaman.

Sinabi ni Domingo na may mga medical team na rin sila na nag-iikot sa mga evacuation center para ma­tingnan ang kalagayan ng mga re­sidente. (Juliet de Loza-Cudia)