Kinalampag kahapon ng grupong Anakalusugan ang Department of Health (DOH) upang gisingin sa pa­tuloy ng pagtaas ng bilang ng mga batang namamatay sa tigdas.

Ayon kay dating Sta. Teresita, Batangas Mayor Darlo Ginete, first nominee ng Anakalusugan partylist, nakalulungkot na sa kabila ng P7.3 bil­yong budget ng DOH para sa immnunization project noong nakaraang taon, bigo ang ahensya na mapabakunahan ang milyon-milyong mga bata sa bansa kontra sa tigdas.

May mga inang sumama sa rally ng grupo at karga ang kanilang mga sanggol para ipakita sa pamahalaan ang kalagayan ng mga batang hindi nabakunahan kontra tigdas.

Sinabi ni Ginete na nasa 2.4 na milyong bata sa buong bansa ang nabigong maturukan ng bakuna kontra tigdas dahilan para umabot sa outbreak ang sitwasyon sa ilang mga lugar gaya dito sa National Capital Region (NCR).

Sinabi naman ni dating Hou­sing czar Mike Defensor, ang ikalawang nominee ng grupo, na sa datos ng DOH hanggang Pebrero 16, lumobo pa sa 8,443 ang naitalang kaso ng tigdas sa buong bansa at 147 dito ang namatay.

Nilinaw din ni Defensor na hindi nila binabatikos ang DOH kundi handa pa nga silang maging katuwang ng ahensya upang maampat ang pagkalat ng virus.