Juliet de Loza-Cudia
Maglulunsad ang Department of Health (DOH) ng immunization program para sa Japanese Encephalitis para mapigilan ang paglaganap nito sa bansa.
Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque II na kabilang ang Pilipinas sa 12 bansa na mayroong Japanese Encephalitis transmission dahil isa itong mosquito-borne viral disease na nagdudulot ng pamamaga ng utak.
Mayroon na aniyang Japanese Encephalitis vaccine sa Pilipinas na aprubado ng World Health Organization at Food and Drug Administration.
“It is safe and effective,” ayon kay Duque.
Nalaman na may 400 milyong bata na ang nabigyan ng bakuna laban sa Japanese Encephalitis sa mga nakalipas na taon.
Naililipat ang virus nito sa pamamagitan ng Culex mosquito na dumarami sa mga water pool at mga binabahang sakahan.
Kabilang sa mga sintomas ng virus ay ang pagkakaroon ng lagnat, panginginig ng katawan, sakit ng ulo at panghihina.
Maaaring maging sanhi ng infection sa utak ang naturang sakit kung saan ay makakaranas ang pasyente ng mental disturbance at posibloeng mauwi sa pagkawala ng malay hanggang comatose.