Inilagay na ng Department of Health (DOH) ang ahensya sa ‘heightened vigilance’ kasunod ng panibagong ulat na mayroong dalawang kaso ng bird flu sa Nueva Ecija.

Magkaganunman, ayon kay DOH spokesman Eric Tayag, hindi dapat mabahala ang publiko dahil patuloy ang kanilang monitoring at mas pinaigting pa nila ito.

Wala rin naiulat na may nahawaan na isang tao dahil sa bird flu virus.

Bumuo na rin ng team ang DOH para magtungo sa Jaen at San Isidro ang dalawang bayan sa Nueva Ecija na may naitalang kaso ng bird flu.

Bukod pa rito ay bi­na­bantayan na rin ng DOH ang kalagayan ng mga poultry workers sa lugar.

Una nang kinumpirma ni Agriculture Secretary Manny Piñol noong Biyernes ng umaga na dalawang poultry farms sa lalawigan ng Nueva Ecija ang apektado ng bird flu virus, isang linggo matapos nitong ianunsyo ang outbreak sa Pampanga. Ang naturang dalawang farms sa mga bayan ng Jaen at San Isidro.

Noong nakaraang linggo, kinumpirma naman ni Piñol na may bird flu outbreak sa Barangay San Agustin, San Luis, Pampanga.