Pinayuhan ni Health Secretary Francisco Duque III ang publiko partikular na ang mga kabataan na huwag maging iresponsable at pasaway kasunod na rin nang isinasagawa nilang monitoring sa firecracker-related injuries sa bansa ngayong holiday season.

Nabatid na buena manong biktima ng paputok ang isang 12-anyos na batang lalaki na taga-Nueva Ecija na naputulan ng gitnang daliri.

Sa ulat ng monitoring team ng DOH gumamit ng 5-star ang biktima at nagpaputok sa kanilang tahanan pero minalas na sa kamay nito pumutok ang 5-star.

Sinabi rin ni Duque na dapat bantayan ng mga magulang ang kanilang mga anak laban sa paggamit ng papu­tok upang hindi mapabilang sa mga maitatala nilang firecracker-­related injury.

Muling iginiit ni Duque na ang paggamit ng paputok ay mapanganib at maaaring magdulot ng pagkasugat o kamatayan sa mga gagamit nito.
“Maraming kapahamakan ‘yan. Puwedeng malunok, puwedeng malason, puwedeng ikamatay, puwedeng matetano. O eh bakit pinababayaan ninyo? 

Huwag kayong mga pasaway dahil ang pagsisisi nasa bandang huli,” ayon pa sa Kalihim. (Juliet de Loza-Cudia)