DOH taranta sa tanggal lockdown

Paspasan na sa pagsasagawa ng COVID-19 test ang Department of Health (DOH) habang papalapit ang pagtatapos ng lockdown.

Bago kasi matapos ang Mayo 31, magdedesisyon ang gobyerno kung ie-extend ang community quarantine para mapigilan ang pagkalat ng virus, o aalisin na ito para naman masagip ang trabaho ng marami.

Sa gitna ito ng limitasyon ng pinakamahalagang armas ng bansa laban sa pandemic — ang COVID-19 testing data.

Pero batay sa nakuhang datos sa Philippine Health Department ng ABS-CBN Data Analytics Team as of May 25, pababa imbes pataas ang nagagawang pagsusuri sa COVID-19 mula sa target na 30,000 kada araw.

Mayo 25 ay kabuuang 5,233 na indibiduwal lang ang na-test para sa COVID-19.

Taliwas umano sa aktuwal na test ang sinasabi ng Palasyo na nalagpasan ng bansa ang target na 30,000 test kada araw.

Paliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, maraming dahilan ng pagbaba ng nagagawang test kabilang na ang kakulangan ng laboratoryo at hindi inaasahang pangyayari gaya ng bagyo na nagpahinto sa operasyon ng ilang COVID-19 testing center.

Sa ngayon aniya ay 283,147 na indibiduwal na ang na-test sa virus pero 0.26 porsiyento lang ito ng inaasahang populasyon ngayong taon na 109 milyon, at 2.05 porsiyento ng populasyon ng NCR na 13.8 milyon.

Delikado umano ito dahil magdedesisyon ang gobyerno na nakabatay sa datos na nakolekta sa DOH, kaya kailangan nang magmadali ng health department sa pagsasagawa ng testing para matukoy kung mataas pa ba ang banta ng COVID-19 sa bansa. (IS)