Tiniyak ng Department of Health (DOH) na wala pang kumpirmadong kaso ng novel coronavirus sa Pilipinas.
Ang pahayag ay ginawa ng Dept. of Health Central Visayas matapos kumpirmahin na negatibo sa novel coronavirus ang 5-taong gulang na batang bumiyahe ng Wuhan, China kung saan nagmula ang virus.
Sinabi ng DOH, anumang oras ay palalabasin na ng Cebu City Hospital ang paslit.
Habang ang ina ng bata ay hindi naman kinakitaan ng anumang senyales ng virus.
Samantala, isang pamilya na pawang mga Brazilian national na galing sa Wuhan, China ang naka-isolate sa isang rural health unit sa El Nido, Palawan.
Ayon naman kay DOH-8 regional director Minerva Molon, isang 36-anyos na lalaki ang kinukunsiderang ‘person under investigation’ (PUI) dahil sa pagpunta niya sa Wuhan, China.
Sa kabilang dako, nasa 172 Chinese tourist ang dumating sa Bohol-Panglao International Airport (BPIA) kahapon nang umaga.
Ayon kay Matthew James Sape, quarantine nurse ng BPIA, ang nasabing mga turista ay mula sa Chengdu City, capital ng probinsya ng Sichuan sa China.
Dumating ang mga Chinese tourist dakong alas- 7:42 nang umaga lulan ng Pan Pacific Airlines mula sa Chengdu Shuangliu International.
Ang serbisyo ng BPIA ay mayroong dalawang flight mula sa China sa araw ng Lunes at Biyernes.
Dagdag pa ni Sepe, ang mga nasabing turista ay dumaan sa thermal scanner bago tumuloy sa immigration at muling idinaan isa-isa ulit sa thermal scanner at wala namang na-monitor na mayroong lagnat sa kanila. (Juliet de Loza-Cudia/Edwin Balasa)