DOH windang sa taas ng COVID positive

Hindi natuloy ang regular na paglalabas ng Department of Health (DOH) tuwing alas-kuwatro ng hapon tungkol sa pinakahuling bilang ng mga nagkasakit, nasawi at gumaling sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) nitong Biyernes, Mayo 29.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na siyang palagiang humaharap sa virtual press briefing ng DOH para sa COVID update, inantala ng hanggang alas-nuwebe ng gabi ang paglalabas ng bagong datos dahil aayusin pa umano nila ang mga numero.

Ipinahayag din ni Vergeire na simula nitong Biyernes ay babaguhin na ng DOH ang pamamaraan ng pagbibigay nila ng COVID update hinggil sa mga bagong kaso nito matapos maitala ang pinakamataas na bilang ng tinamaan ng coronavirus na 539.

Base sa DOH COVID-19 Bulletin #75 alas-kuwatro ng hapon noong Huwebes, Mayo 28, nakapagtala ng kabuuang 15,588 COVID positive.

Nakapagtala ng 539 bagong kaso ng COVID positive kung saan nangunguna pa rin ang National Capital Region na mayroong 330 (61%), sumunod ang Region 7 na 55 (10%), iba pang lugar ay 99 (19%), at 55 (10%) mula sa mga repatriate o galing sa ibang bansa.

Sinabi ni Vergeire na iuulat na rin ng DOH ang breakdown ng mga bagong kaso ng COVID, ang bilang ng mga na-validate na kaso, at ang mga naantalang bilang ng mga bagong kaso ng coronavirus.

‚ÄúSimula po ngayon ay hahatiin po namin ang mga numero upang ipakita kung alin sa mga numero na ito ay fresh or newly validated case sa araw at ilan ang na-late or delayed lamang,” dagdag pa ni Vergeire. (Juliet de Loza-Cudia)