Bubuo na ang Department of Justice (DOJ) ng fact-finding team para magsiyasat sa dalawang dating opisyal ng departamento na sangkot umano sa payola system sa mga drug lord convicts sa New Bilibid Prison (NBP).
Ito ang kinumpirma ni DOJ Sec. Vitaliano Aguirre kung saan ang nasabing fact-finding body ay mag-iimbestiga sa dalawang opisyal ng ahensya na umano’y tumatanggap ng milyun-milyong protection money mula sa ilang high-profile inmates.
Kapalit, aniya, ito ng special treatment sa loob ng NBP at pagpapatuloy ng operasyon ng iligal na droga.
Aniya pa, ang nasabing fact-finding team ay bubuuin ng mga undersecretary ng DOJ at mga itatalagang prosecutors.
Sa kasalukuyan umano ay katulong ng DOJ ang National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) sa pangangalap ng mga ebidensya. Nagsasagawa na rin ang mga ito ng kani-kanilang imbestigasyon hinggil sa nasabing impormasyon.
Ilalabas umano ang anumang magiging resulta ng pagsisiyasat sa lalong madaling panahon laban sa dalawang dating opisyal ng departamento.