DOJ midnight reso pina-recall

Iniutos ni Department of Justice (DOJ) Secretary Vitaliano Aguirre na i-recall ang mga ipinalabas na resolusyon ni dating Justice Sec. Emmanuel Caparas mula Mayo 1 hanggang Hunyo 30 ng 2016 na itinuturing na ‘midnight’ resolutions.

Base sa inisyung Department Order No. 524 na may petsang Agosto 3, ni Aguirre pinatigil nito ang pagpapatupad ng mga resolusyon at motions for reconsideration na ipinalabas ni Caparas, kabilang ang mga inisyu noong buwan bago siya bumaba sa puwesto.

Ang kautusan ay ipinaabot kina Prosecutor General­ Claro Arellano, at lahat ng senior deputy state prosecutors, senior assistant state prosecutors, assistant state prosecutors, prosecution attorneys at sa lahat ng regional, provincial, city prosecutors at kanyang deputies, senior assistants at assistant prosecutors.

Bukod dito, iniutos din ni Aguirre sa mga Prosecutors na suspendihin ang pagsusulong kung mayroon man sa mga resolusyon na naiakyat na sa korte.