Pinaalalahanan ni Justice Undersecretary Mark Perete ang publiko na mag-ingat sa pagsusulat ng petsa sa mga dokumento.

Ito ay dahil na rin sa nakasanayan na ng mara­ming Pinoy ang pagso-shortcut sa pagsusulat ng petsa o sa tuwing may mahalagang papel na pinupunan ng de­talye gaya na halimbawa ng “Disyembre 31, 2019” na iniiksian sa “12-31-19”.

Bukod pa rito ang pagpatak ng 2020 kung saan may mga kumalat na mensahe na nagbabala na posibleng humantong sa scam kapag pinaikli ang “2020” sa “20”.
Anang opisyal, may hatid itong peligro dahil maaari itong dugtungan para madagdagan o mabawasan ang taon.

Kaya paalala ni Perete, bagama’t hindi isinasaad sa batas ang tamang pagsusulat ng petsa, mabuti na ang nag-iingat.

“Marami kasing puwedeng gawin if nag-shortcut ka sa paglalagay ng date sa isang dokumento. Puwedeng magdagdag ng isang number. For example for ‘2020,’ kapag nilagay mo lang na ‘20’ puwede siyang gawing 2019 or pababa or puwede ring pataas ‘2021’ onward,” babala ni Perete.