Umapela ang Department of Justice (DOJ) sa Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 150 para bawiin ang nauna nitong desisyon na pinayagang makabiyahe si Senador Antonio Trillanes IV sa ibang bansa.

Nanindigan ang DOJ na hindi dapat mapayagang makabiyahe ang senador dahil sa pagiging “flight risk” nito at ipinunto ang isang kasong nadesisyunan na ng Korte Suprema.
Dahil sa hirit ng DOJ, itinakda ni Judge Elmo Alameda ang pagdinig sa mosyon ng kagawaran sa Biyernes, Disyembre 7.

Matatandaang naghain ng mosyon si Trillanes para makabiyahe sa Europe sa Disyembre 11, 2018 hanggang Enero 11, 2019 at sa Amerika sa Enero 27 hanggang Pebrero 10, 2019.
Pinayagan siya ng korte basta’t maglagak lamang ng P200,000 na travel bond bago bumiyahe.

Inihayag ng korte na hindi maituturing na flight risk si Trillanes kaya pinayagan itong makabiyahe at pansamantalang mabawi ang hold departure order laban sa kanya.