Doktor na kinidnap ng Abu Sayyaf ni-rescue

Nasagip ng mga tropa ng pamahalaan ang doktor na dinukot ng Abu Sayyaf matapos ang isinagawang operasyon sa Brgy. Bangalan, Indanan, Sulu Martes ng gabi, pahayag ng isang opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Miyerkoles.

Ayon kay AFP Western Mindanao Command chief Lt. General. Cirilito Sobejana, dakong alas-7:30 ng gabi ng masagip ng tropa ng 1102nd Brigade ng Philippine Army ang biktimang si Dr. Daniel Moreno.

Si Dr. Moreno na isang Christian-Tausug ay dinukot ng mga miyembro ng Abu Sayyaf sa kanilang bahay sa Brgy. Walled City sa Jolo, Sulu noong Pebrero 3 ng gabi.

Ayon kay Sobejana, mula ng dinukot ang doktor ay patuloy ang kanilang ginagawang operasyon para mahanap ito at kamakalawa ng gabi nga ay nakatanggap ng ulat ang tropa ng 1102nd Brigade na namataan ang biktima at isang grupo ng Abu Sayyaf sa Brgy. Bangalan sa bayan ng Indanan kaya agad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga sundalo.

Posible umanong namataan ng mga bandido ang presensya ng mga sundalo sa lugar at dahil sa mabagal na si Dr. Moreno ay kusa na nila itong iniwan upang makatakas na sila, ayon kay Sobejana.

Matapos na mailagay sa ligtas na lugar ang doktor ay nagsagawa ng hot pursuit operation ang militar kung saan nagkaroon ng halos limang minutong palitan ng putok ang magkalabang panig hanggang sa tuluyan nang makapuslit ang mga miyembro ng bandidong grupo.

Dinala naman si Dr. Moreno sa military hospital sa Busbos, Sulu upang tignan ang kalagayan nito.

Ayon kay Sobejana, walang ibinayad na ransom ang pamilya ng biktima subalit inamin ng mga ito na nagpadala ng demand ang grupo ng Abu Sayyaf at humihingi umano ang mga ito ng P3 milyon para sa kalayaan ng doktor subalit wala umano silang ganoong kalaking halaga kaya patuloy ang negosasyon hanggang sa masagip ito.(Edwin Balasa)