Hindi na nailigtas ang buhay ng isang government doctor ng Canlaon City, Negros Oriental matapos itong pagbabarilin sa loob ng kanyang sasakyan sa Guihulngan City kahapon nang umaga.

Sa pahayag ni Supt. Mario ­Buquiran, hepe ng Guihulngan Police, nagtamo ng tama ng bala ang biktimang si Dr. Avelex Amor ng Canlaon District Hospital, matapos itong malapitang barilin ng hindi pa kilalang suspek.

Ayon pa sa pulisya, alas-8:20 ng umaga nang mangyari ang krimen. Minamaneho ni Amor ang kanyang sasakyan patungo sa Dumaguete kasama ang kamag-anak na kinilalang si Rosly Tobias Aldojesa, nang pagsapit sa national highway ng Sitio Tinangon, Brgy. Basak ay barilin ito.

Hininto ng biktima ang kotse na naging pagkakataon ng suspek upang lapitan ito at pagbabarilin pa.

Matapos ang krimen, naglakad palayo ang gunman at saka umangkas sa motorsiklo na naghihintay sa kanya.

Dinala pa sa ospital ang biktima ngunit idineklara itong dead-on-arrival.

Tinitingnang anggulo ng pulisya ang posibilidad ng paghihiganti sa doktor at inaalaman na rin kung may kaugnayan dito ang pina-blotter ng biktima sa Canlaon City Police Station.