Dear Atty. Claire,
Magandang araw po. Ako po si Cristina, isang senior citizen, nakatira sa Meycauayan, Bulacan.
Kada three months po may check-up ako sa isang internist-endocrinologist. Napansin ko po na nagbebenta ng gamot ‘yung doktor na mismong inirereseta niya. Puwede naman pong tumanggi bumili pero tila po iba ‘yung turing sa’yo kapag hindi ka sa kanya bumili ng gamot.
Kamakailan po ay humingi po ako ng clinical abstract para po sa requirement sa paglapit sa paghingi ng tulong sa PCSO. Siningil po ako ng P500 para po sa isang pahinang papel na clinical abstract. Hindi po nag-issue ng resibo para po doon sa P500 na binayad sa clinical abstract.
Ano po ang maipapayo niyo na gawin ko? Itatanong ko lang din po kung saan po puwede magreklamo sa mga mapang-abusong mga doktor.
Maraming salamat po sa anumang tulong na inyong maibibigay.
Lubos na gumagalang,
Cristina
Dear Nanay Cristina,
Ang pagbebenta po ng gamot na siya mismo ang nagrereseta ay hindi ko po masasagot kung pang-aabuso iyon dahil baka siya lamang ang may alam ng tamang gamot na laan para sa inyong karamdaman pero dapat din po siyang paalalahan na may Generics Act of 1988 kung saan dapat na ang medical practitioner ay nagbibigay ng reseta na may kasamang generic brand ng gamot.
Ang Section 6 ng nasabing batas RA 6675 ay:
(b) All medical, dental and veterinary practitioners, including private practitioners, shall write prescriptions using the generic name. The brand name may be included if so desired.
Ito po ay isa sa mga paraan para makapamili ang pasyente ng angkop na gamot pero sa mas abot-kayang halaga.
Sa paraang ginagawa ng doktor ninyo ay lumalabas na nagsasamantala siya dahil wala na kayong pagpipiliang generic ang brand kundi ay dapat na sa kanya lamang bumili. Kung ano man po ang dahilan niya ay dapat na mapaliwanag sa inyo upang hindi siya managot sa paglabag sa batas.
Ang mga sumusunod naman ang maaaring maging parusa:
Section 12. Penalty – A) Any person who shall violate Section 6(a) or 6(b) of this Act shall suffer the penalty graduated hereunder, viz:
(a) for the first conviction, he shall suffer the penalty of reprimand which shall be officially recorded in the appropriate books of the Professional Regulation Commission.
(b) for the second conviction, the penalty of fine in the amount of not less than two thousand pesos (P2,000.00) but not exceeding five thousand pesos (5,000.00) at the discretion of the court.
Maaari ninyong ireklamo ang mga abusadong doktor sa Professional Regulation Commission (PRC); sa Department of Health at kung may krimeng ginawa ay maaaring magsampa ng kaso sa korte kung saan nagawa ang pang-aabuso o krimen katulad ng kung saan ba ang kanyang clinic.
***
Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410-7624 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.