Binawian ng buhay ang isang optometrist matapos itong barilin ng isang ‘di nakikilalang gunman na pumasok bilang kustomer kamakalawa sa Quiapo, Maynila.

Kinilala ni PO3 Julius dela Cruz, imbestigador ng Manila Police District-Homicide Section, ang biktimang si Carlos Lalaguna, optometrist, negosyante, taga-Road 2, Old Balara, Tandang Sora Avenue, Quezon City at may klinika sa 774 Quezon Boulevard sa Quiapo.

Inilarawan naman ang suspek na nasa edad 40-45, 5’6” ang taas, katamtaman ang pangangatawan, nakaitim na t-shirt, itim na short pants, brown bull cap, tsinelas at naka-surgical mask.

Sa imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-4:30 ng hapon sa loob ng klinika ng biktima.
Nabatid na nagpanggap na kustomer ang gunman at habang nasa loob ng clinic ay nagkunwa pang hinihintay ang kanyang asawa.

Sinamantala umano ng suspek ang pagpunta ng biktima sa naka-display na cabinet at habang binubusisi nito ang mga salamin sa mata ay patraydor itong binaril ng suspek.

Nang bumagsak ang biktima ay mabilis nang tumakas ang suspek.

Naisugod pa ang biktima sa Jose Reyes Memorial Medical Center pero hindi na ito umabot nang buhay.
Patuloy namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya sa motibo ng suspek.