Iginiit ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na magkaroon ng koordinasyon at kooperasyon ang tatlong ahensya ng gobyerno para malaman kung ilan ba talaga ang bilang ng mga dayuhang manggagawa sa mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
Ito’y matapos lumabas sa pagdinig ng Kamara hinggil sa pagsulputan ng mga POGO sa bansa na magkakaiba ang datos ng Department of Labor and Employment (DOLE), Bureau of Immigration (BI), at Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor).
Batay sa Pagcor, nasa 92,897 dayuhan na ang bilang ng mga nagtatrabaho sa POGO habang sinabi naman ng DOLE na nasa 71,532 pa lamang at sa BI naman ay 44,768.
Lumabas din sa imbestigasyon na 10 lamang sa 62 lisensiyadong POGO ang nakokolektahan ng buwis ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Ayon sa Pagcor, direkta nilang nakuha ang kanilang datos mula sa mga licensee nito. Ang BI naman ay bumabase umano sa bilang ng iniisyung working visa habang binabatay naman ng DOLE ang kanilang datos sa mga foreign worker na binigyan ng alien employment permit.
Kinastigo sila ni ACT-CIS party-list Rep. Eric Go Yap dahil sa kawalan aniya ng koordinasyon.
“That’s why we have Task Force POGO where they should consolidate their data, double check and triple check. How can we move forward when we don’t even know the exact number of POGO workers?” sabi ni Yap.
Pinagpapaliwanag naman ni Cavite Rep. Rep. Elpidio Barzaga Jr. ang DOLE, BI at Pagcor kung bakit magkakaiba ang dapat iisa nilang POGO data. (Lorraine Gamo)