Nagtatag ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng isang command center para sa mga migranteng manggagawa na siyang tutugon sa pangangaila­ngan ng mga ito na humihingi ng agarang tulong.

Sa inilabas na Admi­nistrative Order No. 73 na nilagdaan ni Labor Secretary Silvestre Bello III, ang nasabing center ay patatakbuhin nang 24 oras at pitong araw sa isang linggo.

Ang nasabing center ang tatanggap ng mga reklamo o kahilingan mula sa mga walk-in, e-mail, text o telepono.
Ang OFW Center din ang tutugon sa panga­ngailangan ng mga OFW na magmumula sa mga balita sa media at mga referral.

Gayundin, handang tumanggap ang nasabing center ng mga sumbong mula sa social media at online messaging.

Ayon kay Bello, ang operasyon ng command center ay tutulong matiyak na ang lahat ng mga alalahanin ng mga OFW ay matutugunan, lalo na kung ang insidente na kinasasangkutan nila ay nangangailangan ng aga­rang pagkilos at tulong.

Babalangkasin naman ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Overseas Workers Welfare Admi­nistration (OWWA) at International Labor Affairs Bureau ang mga implementing guideline para sa operasyon ng command center sa loob ng 30 araw.

Ang command center ay direktang pangangasiwaan ng pinuno ng International Labor Affairs Bureau.