Kasunod ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat siguruhin na nakakarating sa taumbayan ang serbisyo ng gobyerno ay kumilos na rin ang Department of Labor and Employment (DOLE).
Iniutos ni DOLE Secretary Silvestre Bello III sa lahat ng attached agencies, regional offices at Philippine Overseas Labor Offices (POLOs) na magtayo ng kanilang 24/7 DOLE Hotline Call Services na maaaring masumbungan ng taumbayan.
Sa inilabas na Administrative Order No. 409, Series of 2016 ni Bello, layon ng nasabing hotline na mabigyan ng katugunan ang problema ng lahat ng manggagawa na nahaharap sa krisis at emergency situations sa kanilang kompanya.
Magagamit din ang hotline sa mga biktima ng illegal recruitment at trafficking-in-persons gayundin sa mga manggagawang hindi nababayaran ng separation pay at benepisyo.
“The 24/7 Hotline Services will also assist workers who are inquiring about applicable wages and wage related benefits, such as minimum wages, overtime pay, holiday pay, and similar concerns; and workers with cases filed in DOLE offices, attached agencies, and POLOs claiming unpaid wages and benefits,” sabi ni Bello.
Ilulunsad ang DOLE hotline sa Agosto 15, 2016.