DOLE mag-iinspeksyon sa regional offices

Bumuo ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng Regional Inspection Audit Team para magsagawa ng inspection sa mga tanggapan ng kagawaran sa bawat rehiyon.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello, layunin ng Regional Inspection Audit Team na binuo sa ilalim ng Administrative Order No. 430 na matiyak na nai­patutupad nang maayos ang mga batas sa paggawa.

Ang regional inspection audit ay gagawin kada semestre o tuwing anim na buwan.

“All DOLE Regional Directors, labor inspectors, other officials and employees who are tasked with the implementation of the inspection of programs and activities will be inspected. We must see to it that the enforcers of the law are ethical and mindful of their responsibilities,” paliwanag ni Bello.

Ang inspeksyon ay magiging random at hindi rin iaanunsyo kung kailan eksaktong gagawin.

Kapag natapos na ang inspeksyon, magsusumite naman ang Regional Inspection Audit Team ng audit report sa loob ng 30 araw sa tanggapan ng kalihim para sa kaukulang aksyon.

Pero sakali umanong may madiskubreng paglabag sa Code of Conduct para sa mga opisyal at empleyado ng DOLE, isusulong ang administratibong reklamo laban sa lumabag na kawani ng kagawaran.